Inilabas kahapon, Biyernes, ika-17 ng Mayo 2019, sa pahayagang New York Times ng Amerika, ang artikulo ni Chen Lifang, Corporate Senior Vice President ng Huawei Technologies Co. Ltd. ng Tsina, na may pamagat na "Kinakailangan ng Amerika ang Huawei."
Ang artikulong ito ay inilabas pagkaraang ipatalastas ng pamahalaang Amerikano ang mga pagbabawal sa pagbebenta ng mga kagamitang pantelekomunikasyon ng Huawei sa Amerika at pagbebenta o paglilipat ng mga kompanyang Amerikano ng mga kagamitan at teknolohiya sa Huawei.
Kaugnay nito, sinabi ni Chen, na bumibili taun-taon ang Huawei ng mahigit 11 bilyong Dolyares na produkto at serbisyo mula sa Amerika, at ang naturang mga pagbabawal ay magreresulta sa pagkawala ng libu-libong hanapbuhay sa Amerika. Samantala aniya, ginagamit ng mga maliit na telecom operator sa Amerika ang mga kagamitan ng Huawei, at lalaki ang gugulin ng mga kompanyang ito kung sapilitang papalitan nila ang mga kagamitan ng Huawei. Ang Huawei naman ay namumunong kompanya sa 5G telecommunications technology, at ang naturang mga pagbabawal ay hahadlang sa paggamit ng teknolohiyang ito sa Amerika, at sa bandang huli, makakapinsala sa kabuhayan ng Amerika, dagdag ni Chen.
Sinabi rin ni Chen, na ang layon ng mga hakbangin ng pamahalaang Amerikano ay pigilin ang cyber attack. Aniya, posibleng maganap ang cyber attack sa produkto ng anumang equipment supplier, at hindi ring pinahihintulatan ng Huawei ang anumang cyber attack o pagmamanman sa mga kliyente nito. Tinukoy ni Chen, na kung gustong igarantiya ng pamahalaang Amerikano ang cyber security ng bansa, ang dapat gawin nito ay pagbuo ng isang komprehensibong pangangasiwa sa panganib, sa halip na pagbabawal sa anumang kompanya.
Salin: Liu Kai