Ipinatalastas kahapon, Miyerkules, ika-8 ng Mayo 2019, ng Tanggapan ng Kinatawang Pangkalakalan ng Amerika, ang planong sa ika-10 ng buwang ito, patataasin mula 10% hanggang sa 25% ang taripa ng mga paninda mula sa Tsina na nagkakahalaga ng 200 bilyong dolyares. Mahigit dalawang oras pagkaraan nito, ipinahayag ng panig Tsino ang lubos na kalungkutan sa pahayag ng panig Amerikano. Anito, ang pagpapasidhi ng alitang pangkalakalan ay hindi angkop sa interes ng mga mamamayan ng Tsina, Amerika, at buong daigdig. Kung ipapataw ng Amerika ang karagdagang taripa, isasagawa ng Tsina ang katugong hakbangin, dagdag ng panig Tsino.
Sa bisperas ng ika-11 round ng pagsasanggunian ng Tsina at Amerika sa mataas na antas hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan, malalim ang katuturan ng nabanggit na mga pahayag ng kapwa panig. Malinaw ang tangka ng panig Amerikano na magkaroon ng mas maraming bentahe sa pagsasanggunian sa pamamagitan ng pagpataw ng presyur sa panig Tsino. Samantala, mabilis na gumawa ng reaksyon ang panig Tsino, at matatag din ang atityud nito. Ipinakikita nito ang konsistenteng paninindigan ng bansa, na bukas sa pagsasanggunian, samantala handa-handa rin ito para sa mga aksyon ng pagpapasidhi ng kalagayan. Sa katotohanan, sapul nang isagawa ng Tsina at Amerika noong Pebrero ng nagdaang taon ang pagsasanggunian sa isyung pangkabuhaya't pangkalakalan, natamo ng dalawang panig ang mga positibong bunga, at ilang beses ding lumitaw ang pag-urong. Ang ganitong pangyayari sa kasalukuyan ay hindi naganap sa kauna-unahang pagkakataon, at makatwiran ang ginawa ng panig Tsino sa nagdaang mga okasyon. Kung inaasahan ang mabuting bunga ng pagsasanggunian, ipagpapatuloy ang pagsasanggunian; at kung kailangan ang mga countermeasure, isasagawa ang mga countermeasure.
Batay sa paninindigang ito, hindi mahirap na maunawaan na, sa harap ng presyur ng Amerika, patuloy na pumupunta roon si Liu He, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, Pangalawang Premyer ng bansa, at Puno ng panig Tsino sa komprehensibong diyalogong pangkabuhayan sa Amerika, para isagawa ang bagong round ng pagsasangguniang nakatakdang idaos ngayong araw at bukas. Hindi ito nangangahulugan ng kompromiso, sa halip, umaasa ang panig Tsino na hindi makakaapekto ang naturang pangyayari sa pangkalahatang direksyon ng pagsasanggunian.
Sa kabilang dako, ang pagdaraos ng ika-11 round ng pagsasanggunian ay itinakda ng panig Tsino at Amerikano sa nagdaang round ng pagsasanggunian noong isang linggo. Bagama't ang aksyon ng Amerika ay nagdudulot ng kaguluhan sa kasalukuyang round ng pagsasanggunian, pumunta pa rin ang delegasyong Tsino sa Amerika para sa pagsasanggunian. Ipinakikita nito ang paggalang ng Tsina sa mga tuntunin ng talastasan, at mga narating na komong palagay, kasama ng Amerika, nitong 16 na buwang nakalipas.
Sa nalalapit na ika-11 round ng pagsasangguniang gaganapin sa Washington D.C., gagawin ng Tsina ang pinakamalaking pagsisikap, at ipapakita rin ang pinakamalaking katapatan, para matamo ang isang kasiya-siyang bunga. Kailangan namang tumahak ang Amerika tungo sa parehong direksyon kasama ng Tsina, para isakatuparan ang target na ito. Samantala, kahit ano ang magiging resulta ng pagsasanggunian, mahinahong pakikitunguhan ito ng Tsina, at hindi magbabago ang paninindigan ng Tsina, na maging responsable sa mga mamamayang Tsino at Amerikano, pangalagaan ang interes ng mga mamamayan ng iba't ibang bansa, at lumikha ng mas maraming pagkakataon para sa kabuhayang pandaigdig.
Salin: Liu Kai