Tumawag nitong Linggo, Mayo 26 si Imran Khan, Punong Ministro ng Pakistan sa kanyang counterpart sa India na si Narendra Modi bilang pagbati sa kanyang muling panunungkulan bilang punong ministro ng nasabing bansa. Ipinahayag din ni Imran Khan ang pag-asang magkasamang magsisikap ang Pakistan at India para sa kapakinabangan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Pinasalamatan naman ni Modi si Khan. Inulit din niya ang patakaran ng pagbibigay-priyoridad sa mga kapitbansa. Dagdag pa niya, kailangang magkasamang magpunyagi ang dalawang bansa para mapawi ang karalitaan, itatag ang pagtitiwalaan at makalikha ng kapaligirang panrehiyon na walang karahasan at terorismo.
Nauna rito, ipinahayag ni Khan ang pagbati kay Modi sa kanyang tweet.
Inilabas noong Biyernes, Mayo 24 ang resulta ng pambansang halalan ng India, at nanalo ang Bhartiya Janta Party (BJP) na pinangungunahan ni Modi. Opisyal na muling nanungkulan si Modi noong Sabado, Mayo 25.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
Photo credit: China Plus