Ipinatalastas kahapon, Huwebes, ika-30 ng Mayo 2019, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika, na mula ika-10 ng susunod na buwan, ipapataw ng Amerika ang 5% karagdagang taripa sa lahat ng mga panindang iluluwas ng Mexico sa Amerika, para pilitin ang Mexico na lutasin ang ilegal na pagpasok ng mga mamamayan nito sa Amerika.
Ayon pa rin sa pahayag ng White House, kung lulutasin ng Mexico ang krisis ng ilegal na migrante, aalisin ng Amerika ang naturang karagdagang taripa. Pero anito, kung magpapatuloy ang krisis, unti-unting itataas ng Amerika ang taripa sa 25% at magiging permanente ito.
Pagkaraan nito, ipinahayag naman ng Ministring Panlabas ng Mexico na sobrang matindi ang pagbabanta ng Amerika sa pagdaragdag ng taripa sa Mexico. Dagdag ng ministring ito, kung magkakabisa ang naturang hakbangin, isasagawa ng Mexico ang malakas na countermeasure laban sa Amerika.
Salin: Liu Kai