|
||||||||
|
||
Isinapubliko nitong Martes, Hunyo 4, ng Ministring Panlabas ng Tsina ang payo sa mga mamamayang Tsino na maglalakbay sa Amerika at mga bahay-kalakal na Tsino. Anang payo, dapat maging alerto at maingat, bunsod ng pangyayamot ng mga ahensya ng pagpapatupad ng batas ng Amerika sa mga turistang Tsino sa pamamagitan ng mga immigration check at interbyu. Ipinalabas din nang araw ring iyon ng Ministri ng Kultura at Turismo ang payo na humihiling sa mga turistang Tsino na tingnan ang posibleng panganib sa paglalakbay sa Amerika pagkaraan ng pamamaril, pagnanakaw, at panloloob na naganap kamakailan.
Ang nasabing dalawang payong panlakbay ay may bisa hanggang katapusan ng taong ito. Ipinakikita ng mga ito na lumalala ang kalagayan ng seguridad na pampubliko ng Estados Unidos, isa sa mga pangunahing destinasyon ng mga turistang Tsino. Inilabas ng pamahalaang Tsino ang naturang mga payo dahil din sa diskriminasyon ng mga ahensya ng pagpapatupad ng batas ng Amerika, na nakakapinsala sa kaligtasan at karapatan ng mga mamamayang Tsino.
Noong taong 2018, kulang pa sa tatlong milyong biyahe ang ginawa ng mga turistang Tsino sa Estados Unidos. Ito ay mas mababa ng 5.7% kumpara sa taong 2017. Ito rin ang kauna-unahang pagbaba ng bilang ng mga turistang Tsino sa Amerika nitong 15 taong singkad. Masasabing dahil ito sa lumalalang kapaligirang panseguridad sa Amerika.
Pagpasok ng taong ito, mahigit sandaang matinding pamamaril ang nangyayari sa Amerika. Matatandaang noong Hunyo 1, ikinamatay ng 13 ang pamamaril sa Virginia. Ipinakikita ng mga datos na hindi kaya ng mga ahensya ng pagpapatupad ng batas ng Amerika na matugunan ang crime rate ng bansa, isa sa mga pinakamataas sa daigdig.
Samantala, palubha nang palubha ang diskriminasyon ng mga nagpapatupad ng batas ng Amerika sa mga takdang grupo na kinabibilangan ng mga mamamayang Tsino. Bukod dito, mayroon ding mga politikong Amerikano ang nagtatangkang dungisan ang reputasyon ng Tsina at ipinapahiwatig ang kani-kanilang di-makatwiran at masamang pananaw sa bansa. Sa isang pagdinig sa Senado noong 2018, sinabi ni Christopher Wray, Direktor ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na tinitingnan ng kanyang ahensya ang "China threat," na hindi lamang banta mula sa pamahalaan o "whole-of-government threat," kundi mula sa buong lipunan o "whole-of-society threat." Sa totoo lang, ang ganitong ekstrimistang pananalita ay nang-uudyok ng banta sa kaligtasan ng mga mamamayang Tsino na naglalakbay sa Amerika.
Nitong 40 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina't Amerika, buong sikap na pinapasulong ng Tsina ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungang pangkultura at pantao sa Amerika, para sa komong interes at hangarin ng dalawang bansa at mga mamamayan. Nitong ilang taong nakalipas, lampas sa 5.5 milyong person-time ang pagdadalawan ng mga mamamayang Tsino at Amerikano bawat taon, at sagisag at tagamasid sila sa humihigpit na pag-uugnayan ng dalawang bansa. Pero, ang pagkiling ng pananaw ng mga politikong Amerikano ay nakakapinsala sa magandang pagpapalitang pangkultura ng dalawang bansa na nagsisilbing pundasyon ng matatag na panlahat na relasyong Sino-Amerikano. Nakakapinsala rin ito sa turismong Amerikano.
Sana ang nasabing dalawang payo ay magpapasulong sa pamahalaang Amerikano sa pagpapabuti ng kapaligirang panseguridad at pangangalaga sa lehitimong karapatan at interes ng mga mamamayang Tsino sa Amerika.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |