|
||||||||
|
||
Sa panayam ng Fox Business nitong Miyerkules, ipinahayag ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika na ang kompanyang Tsino na Huawei ang nagdudulot ng pinakamalaking banta sa pambansang kabuhayan at seguridad. Ang ganitong malisyosong cliché ay pagpapatuloy ng pagpapabagsak ng Washington sa mga kompanyang Tsino sa pangangatwiran ng pambansang seguridad.
Sa mata ni Pompeo, sa pangangatwiran ng pagkabahala sa pambansang seguridad ng Amerika, may karapatan ang pamahalaang Amerikano na makialam sa mga suliraning panloob ng ibang mga bansa, at manghimasok sa pribadong buhay ng lahat ng mga tao. Sa pamamagitan ng programang PRISM, natuklasan ang Washington na ilegal na nakinig sa mga pribadong komunikasyon ng lider ng mga bansang dayuhan, na kinabibilangan ng mga kaalyado, at nangolekta ng milyun-milyong phone record araw-araw sa buong mundo. Lubos na kataka-taka ang nasabing mga ekstensibong pagsusuri ng pamahalaang Amerikano, sa tulong ng monopolyong teknolohikal nito.
Sa palagay ni Pompeo, ang pambansang seguridad ng Amerika ay katumbas ng ganap na kahigtan at hegemonya nito sa 5G network technology. Gayunpaman, sa kabila ng pagpapauna ng pamahalaang Amerikano sa pag-unlad ng mga 5G network sa kauna-unahang National Security Strategy nito, ang Huawei na may mahigit 16,000 patente ang nangunguna sa 5G technology. Kabilang dito, 20% ang mga core network techonology. Samantala, wala pang 15% ng mga 5G patent ng buong mundo ang pag-aari ng mga kompanyang Amerikano, at walang kompanyang Amerikano ang nangunguna sa mga mobile network equipment providers ng daigdig.
Sa panayam sa Fox, sinabi rin ni Pompeo na "walang pangulong Amerikano ang nagbaba ng kautusan sa mga pribadong kompanya." Pero, ipinakita naman ng pagkakabunyag ng PRISM surveillance program na sa atas ng pamahalaang Amerikano, ang mga kompanya ng telekomunikasyon ng Amerika, na gaya ng Verizon and AT&T ay nagbigay-daan sa kanilang mga network.
Nakakatawa ang akusasyon sa isang pribadong kompanyang Tsino bilang pinakamalaking banta sa pambansang seguridad ng pinakamakapangyarihang bansa ng daigdig. Sa kabila ng paninira ng panig Amerikano nang walang ebidensya, kapuwa nilinaw ng Britanya at New Zealand na hindi sila naniniwala sa pananalita ng Washington kaugnay ng Huawei, at maraming network operator sa labas ng Amerika ang nagsabing makaraan ang buong-higpit na pagsusuri sa mga produktong hardware at software ng Huawei, wala silang natuklasang security loopholes.
Bago inilabas ang "export ban," ang mga chip maker ng Amerika ay nagtrabaho magdamag at maghapon para sa suplay para sa mga kompanyang Tsino na kinabibilangan ng Huawei. Nababahala ang mga kompanyang Amerikano, na gaya ng Microsoft at GM na ang mga export ban ay magpapahina ng kakayahang kompetetibo at inobatibo ng Amerika. Ayon sa mga commentator, bunsod ng nasabing mga export ban, ibubukod ang Amerika at sisirain ang kredibilidad nito sa daigdig, at higit pa, makakapinsala ito sa pambansang interes ng Amerika. Ipinahihiwatig nitong ang Washington mismo, hindi ang Huawei ang nagdudulot ng pinakamalaking banta sa seguridad at kasaganaan ng Amerika.
Ang walang-batayang akusasyon ni Pompeo laban sa Huawei ay hindi makakatulong sa mga kompanyang teknolohiyang Amerikano, at hindi rin magiging mas ligtas at mas malakas ang Amerika dahil dito. Kundi, makakapinsala ito sa interes ng Amerika at pipigil sa kaunlarang panteknolohiya ng daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |