|
||||||||
|
||
Hindi nagdalawang isip si Rochelle Cayetano, founder at choreographer ng Kayumanggi Dance Group at agad na pumayag nang anyayahang magtanghal sa opening ceremony ng Philippine Food Festival sa Makan Kitchen ng Hilton Beijing, nitong Hunyo 6, 2019.
Kwento niya sa CRI Filipino Service, dalawang araw lang ang kanilang ensayo, pero sa kabila nito masayang masaya ang grupo dahil kinagiliwan ng mga bisitang Pinoy, Tsino at dayuhan ang ipinakitang folk dance na kinabilangan ng Tinikling at Oasioas. Ani Rochelle Cayetano, "Ikinalulugod naming maging bahagi ng Philippine Food Festival. Nandoon ang kaba dahil matagal na akong hindi sumasayaw sa ganitong event at mga bata at baguhan ang kasama ko. At mas ninerbyos ako dahil kasama kong sasayaw ang aking anak." Dagdag niya ang pagtatanghal ng Tinikling, pambansang sayaw ng Pilipinas ay talagang isang karangalan dahil pagkakataon ito para ipakilala ang bansa sa pamamagitan ng sayaw.
Ang iba pang miyembro ng Kayumanggi Dance Group ay sina Karl Cayetano, Mike Caligdong at Jamare Resus. Nitong buwan ng Mayo, nagtanghal din ang buong grupo sa Asian Culture and Tourism Exhibition sa paanyaya ng Philippine Department of Tourism Beijing.
Ulat: Mac Ramos
Larawan: Vera
Web Editor: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |