|
||||||||
|
||
Bunsod ng patuloy na bumubuting ugnayan ng Pilipinas at Tsina, patuloy na dumarami ang mga turistang Tsino na dumadalaw sa bansa. Upang higit pang pasiglahin ang ugnayang ito, lumalahok sa 15th China Outbound Travel & Tourism Market (COTTM) ang mga kinatawan ng sektor ng turismo mula sa Pilipinas. Sampung taong nang lumalahok ang Pilipinas sa nasabing tourism expo ayon kay Tito Umali, Tourism Attache ng Philippine Department of Tourism Beijing. Sa COTTM 2019 na nagbukas nitong Abril 15 at tatagal hanggang Abril 17 sa Agricultural Exhibition Center sa Beijing, 23 kumpanyang Pilipino ang lumalahok na kinabibilangan ng resorts, hotels, travel agencies at airlines.
Doris Ramos Aparejado, OIC ng North Asia Division International Promotions Department, ng Tourism Promotions Board Philippines (kaliwa) kasama si
Tito Umali, Tourism Attache ng Pilipinas sa Beijing (gitna) at si Mr. Li ChangSong ng Luxury Travel, agency specilizing on deluxe MICE tour and luxury travel (kanan)
Ayon pa kay Umali, ginanap ang face to face negotiations sa mga kumpanyang Tsino gaya ng wedding planners, family vacation organizers at maging sa airline companies gaya ng Hainan Airlines upang pag-aralan ang pagbubukas ng karagdagang flights mula Tsina tungong Cebu. Masaya ring ibinalita ni Ginoong Umali ang muling paglulunsad ng Philippine Department of Tourism (PDOT) Beijing ng It's More Fun in the Philippines campaign na nakatuon sa "Sustainable and Responsible Tourism." Paliwanag niya, "Yung thrust ng ating sustainable and responsible tourism (is to ) preserve our fragile environment and also our customs and traditions plus the decency and the character of Filipinos in host communities of tourist destinations. Sustainable for future generations at lalo na kikita sa disenteng paraan ang mga tao sa destinasyon."
Ang Philippine booth sa COTTM 2019 na nilahukan ng 23 travel and tourism companies na mula sa iba't ibang panig ng bansa
Bagong talaga at dumalaw sa kauna-unahang pagkakataon sa Beijing si Doris Ramos Aparejado, OIC ng North Asia Division International Promotions Department ng Tourism Promotions Board Philippines. Paliwanag niya, "Napaka importante ng China sa Philippine tourism dahil ang China ay napakalaki ng populasyon. Last year ang outbound ng China reached 162 million. This year outbound travelers from China is forecasted to reach 180 million." Dahil sa laki ng bilang na ito, tinatayang ang Tsina ay magiging pangunahing pagmumulan ng tourist traffic at revenue ng mga bansang Asyano, aniya pa. Ayon kay Aparejado, target ng Pilipinas na paabutin sa 2 milyon ang bilang ng mga turistang Tsino na dadalaw sa bansa sa taong 2020. Sa taong 2017, umabot sa 63.97 bilyon ang revenue o kita mula sa mga turistang Tsino. Kabilang sa mga strategy nila ay ang paghanap ng paraan upang padamihin pa ang bilang ng flights mula Tsina tungo sa Pilipinas at gamitin ang Chinese online travel platforms at mobile applications para sa tourism promotions. At sa bahagi ng Pilipinas, paramihin ang Mandarin speaking guides, itatag ang online payment system at Peso-RMB spot market at pagbutihin pa ang mga imprastrukturang pang-turismo sa bansa.
Si Shahlimar Hofer Tamano, Regional Director ng DOT-VII (kanan) at si Teresa Tan, Country Manager ng Philippine Airlines (kaliwa)
Ang COTTM 2019 ay dinadaluhan ng halos 500 kumpanya mula sa maraming mga bansa. Nakikipagsabayan sa pagpo-promote si Shahlimar Hofer Tamano, Regional Director ng DOT para ipakilala ang mga lalawigan sa Central Visayas. Kanyang ibinida ang mga bagong modernong paliparan sa Mactan, Cebu at Panglao, Bohol na magpapadali sa pagpasok ng mga dayuhan sa rehiyon. Sa kanyang presentation naitanong ng mga potential Chinese partners ang isyu ng kaligtasan at seguridad, at hinggil dito siniguro niyang, "Ang priority natin ngayon sa Cebu at sa rehiyon ay security and safety. Marami kaming mga seminars at training. We even have anti-terrorism experts coming to town, galing Scotland Yard to conduct training." Sa taong ito, sinimulan din ni Tamano na isama ang mga extreme and adventure sports organizers sa kalendaryo ng mga tourism events. Hangad nitong himukin ang dumaraming mga dayuhan, kabilang ang mga Tsino, na mahilig sa free diving, triathlon, long board racing, sky diving, marathon swimming at dragon boat racing.
Ang Philippine booth sa COTTM 2019 na nilahukan ng 23 travel and tourism companies na mula sa iba't ibang panig ng bansa
Dahil sa dumaraming mga direct flights mula Tsina tungong Pilipinas, tiyak na mas hihigpit ang kumpetisyon para sa Philippine Airlines. Sa panayam ng China Media Group kay Teresa Tan, Country Manager ng Philippine Airlines (PAL), inamin niya ang lumalakas ng labanan sa mga airlines, "The competition is really a challenge for us lalo na (dahil) Chinese carriers can offer a different schedule, they can offer the day time, kasi nga they have a slot here." Pero tiwala pa rin siya sa husay ng serbisyo ng kanyang kumpanya na may mahaba at magandang track record sa industriya. Umaasa siyang mas mapapadali at mapapaikli ang pagpoproseso ng visa applications ng Pilipinas na makakatulong para matamo ang 20% na growth target ng PAL sa taong ito. Dahil active online users ang Chinese travelers, naniniwala siyang dapat ding sumabay ang PAL sa pag-a-upgrade ng mobile app nito at website para mas pabutihin ang serbisyo sa mga nagiging pihikang mga byahero.
Ulat at larawan: Mac Ramos
Pulido: Jade
Web Editor: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |