|
||||||||
|
||
Dushanbe — Sa pagtatagpo nitong Sabado, Hunyo 15, 2019 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Emomali Rahmon ng Tajikistan, lubos nilang pinapurihan ang relasyon ng dalawang bansa at mga natamong bunga ng kooperasyon sa iba't-ibang larangan. Magkasama ding nilang pinagplanuhan ang bagong blueprint ng pag-unlad ng bilateral na relasyon, at buong pagkakaisang sinang-ayunang palalimin ang komprehensibo't estratehikong partnership na may katapatan, pagtitiwalaan, at win-win result para maisakatuparan ang komong kaunlaran at kasaganaan.
Bumati muna si Pangulong Xi sa matagumpay na pagtataguyod ng Tajikistan ng Ika-5 Summit ng Conference on Interaction and Confidence Building Measures in Asia (CICA). Tinukoy niyang ang mga nakuhang pagkakasundo at bunga sa nasabing summit ay nagpalabas ng positibong signal sa daigdig. Aniya, nakahanda ang panig Tsino na patuloy na bigyan ng malaking pagkatig ang Tajikistan, kasalukuyang bansang tagapangulo ng CICA, para walang humpay na mapataas ang lebel ng CICA cooperation.
Kaugnay ng relasyong Sino-Tajik, tinukoy ng pangulong Tsino na nitong 27 taong nakalipas sapul nang maitatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, nananatiling mabilis ang tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Aniya, buong tatag na kinakatigan ng panig Tsino ang pagtahak ng Tajikistan sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kalagayang pang-estado, at buong tatag ding kinakatigan ang ginagawang pagsisikap ng pamahalaang Tajik sa pangangalaga sa soberanya at kaligtasan ng bansa.
Ipinahayag naman ni Rahmon ang pasasalamat sa ibinibigay na ambag ng Tsina sa matagumpay na pagdaos ng Ika-5 CICA Summit. Aniya, nakahanda ang panig Tajik na sa loob ng balangkas ng "Belt and Road," palakasin ang pakikipagkooperasyon sa panig Tsino sa mga larangang tulad ng enerhiya, tubig at koryente, at konstruksyon ng imprastruktura.
Pagkatapos nito, lumagda ang dalawang lider sa "Magkasanib na Pahayag ng Tsina at Tajikistan Tungkol sa Ibayo Pang Pagpapalalim ng Komprehensibo't Estratehikong Partnership." Sinaksihan din nila ang paglalagda at pagpapalitan ng maraming dokumento ng bilateral na kooperasyon.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |