Sinabi ngayong araw, Lunes, ika-17 ng Hunyo 2019, sa Beijing, ni Meng Wei, Tagapagsalita ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na ginagawa ngayon ng kanyang bansa ang 2019 edisyon ng negative list para sa pagpasok ng pamumuhunang dayuhan at listahan ng mga industriya kung saan ini-eenkorahe ang pagpasok ng pamumuhunang dayuhan. Isiniwalat din niyang, bago ang katapusan ng taong ito, aalisin ng Tsina ang lahat ng mga restriksyon sa labas ng naturang negative list.
Sinabi ni Meng, na ang mga prinsipyo para sa paggawa ng nabanggit na dalawang listahan ay pagpapalawak ng pagbubukas sa labas, paglikha ng mas bukas at mabuting kapaligirang pampamumuhunan, pagpapalakas ng pangangalaga sa mga lehitimong kapakanan ng pamumuhunang dayuhan, at pagtanggap sa pamumuhunang dayuhan sa Tsina.
Salin: Liu Kai