Kaugnay ng muling pagkakaroon ng FedEx ng di-umanong "operational error" sa paghahatid ng pakete ng Huawei Technologies Co. Ltd., sinabi kahapon, Lunes, ika-24 ng Hunyo 2019, sa Beijing, ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pang-aabuso ng pamahalaang Amerikano batay sa pangangatwirang pambansang seguridad, at paggamit ng kapangyarihang pang-estado sa pagpapabagsak ng isang kompanyang Tsino ay pinagmumulan ng kaguluhang ito.
Dagdag ni Geng, ang ganitong panunupil ng panig Amerikano ay nakakapinsala sa kapwa mga kompanyang Tsino at Amerikano. Hinimok aniya ng Tsina ang panig Amerikano na itigil at iwasto ang kamalian, at likhain ang kondisyon para sa normal na takbo at kooperasyon ng mga kompanya ng iba't ibang bansa.
Sinabi rin ni Geng, na bilang malaking transnasyonal na kompanya, dapat gawin ng FedEx ang makatwirang paliwanag sa paulit-ulit na pagkakamali sa mga serbisyo sa Huawei, at dapat panagutan ang mga ginawa.
Salin: Liu Kai