Sa pahayag na inilabas kahapon, Martes, ika-28 ng Mayo 2019, inamin ng FedEx China, na di-sinasadyang nagkamali ito sa paghatid ng ilang pakete ng Huawei Technologies Co. Ltd..
Kaugnay nito, iniharap na ng Huawei ang pormal na reklamo sa awtoridad na tagapagsuperbisa sa koreo ng Tsina. Mayroon ding ulat na di-umano ay pinag-iisipan ng Huawei kung itutuloy pa nito ang pakikipagkooperasyon sa FedEx.
Ayon sa ulat nitong Biyernes ng Reuters, inihatid kamakailan ng FedEx mula sa Hapon patungong Amerika ang dalawang pakete ng Huawei. Ang orihinal na destinasyon ng mga ito ay Tsina. Tinangka rin nitong ihatid mula sa Biyetnam patungong Amerika ang dalawa pang pakete ng Huawei, na ang orihinal na destinasyon ay ibang lugar sa Asya. Ang mga kilos na ito ay walang awtorisasyon ng kapwa panig na nagpadala at tatanggap ng mga pakete.
Pero, noong una, pinabulaanan ng FedEx ang naturang ulat.
Salin: Liu Kai