|
||||||||
|
||
Nagtagpo sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika, kaninang tanghali, local time, sa Osaka, Hapon, sa sidelines ng G20 Summit. Nagpalitan ang dalalawang lider ng kuru-kuro hinggil sa mga pundamental na isyu sa relasyong Sino-Amerikano, alitang pangkalakalan ng dalawang bansa, at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan. Sumang-ayon silang pasulungin ang relasyong Sino-Amerikano kung saan ang koordinasyon, kooperasyon at katatagan ay nagsisilbing pundasyon. Napagkasunduan din nina Xi at Trump na panumbalikin ang pagsasangguniang pangkabuhaya't pangkalakalan ng dalawang bansa. Ipinahayag ng panig Amerikano na hindi nito ipapataw ang karagdagang taripa sa mga produktong Tsino.
Sa simula ng pag-uusap na tumagal ng 80 minuto, sinabi ni Xi na nitong 40 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina't Amerika, hindi nagbabago ang isang katotohanan na ang kooperasyon ay kapaki-pakinabang sa kapuwa panig at ang labanan ay nakakapinsala sa kapuwa. Diin ni Xi, sa kabila ng iilang pagkakaiba, mas malawak ang komong interes at larangan ng pagtutulungan ng dalawang bansa, kaya lang, hindi dapat masadlak ang magkabilang panig sa patibong ng komprontasyon at alitan, sa halip, dapat suportahan ang isa't isa at isakatuparan ang komong kaunlaran. Bilang dalawang pinakamalaking ekonomiya ng daigdig, malulutas lamang ang mga pagkakaiba at alitan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, na katanggap-tanggap sa kapuwa panig, dagdag pa ni Xi. Inulit din ni Xi ang katapatan ng Tsina na ituloy ang pakikipagsangguniang pangkalakalan, batay sa pagkakapantay at paggagalangan. Ipinagdiinan din ni Xi ang pananangan ng panig Tsino sa pangangalaga sa mga nukleong interes na may kinalaman sa soberanya at dignidad.
Ipinahayag naman ni Trump ang pagpapahalaga sa mainam na pakikipag-ugnayan kay Xi. Hangad aniya niyang palakasin ang pakikipagtulungan sa Tsina. Umaasa aniya siyang maisasakatuparan ng Tsina't Amerika ang balanseng kalakalan sa pamamagitan ng pagsasanggunian at magkakaloob ng patas na pakikitungo sa mga kompanya ng dalawang bansa. Ipinangako ni Trump na hindi magpapataw ang Amerika ng bagong karagdagang taripa sa mga panindang Tsino. Umaasa ani Trump ang panig Amerikano na pararamihin ng panig Tsino ang pag-aangkat mula sa Amerika. Inaasahan ng Amerika na mararating, kasama ng Tsina ang kasunduang pangkalakalan na katanggap-tanggap sa dalawang bansa.
Hinggil sa isyu ng Taiwan, ipinahayag ni Trump ang kanyang pagpapahalaga sa may kinalamang paninindigan ng panig Tsina, at nangako siyang patuloy na paiiralin ng pamahalaang Amerikano ang patakarang Isang Tsina.
Ipinahayag din ni Trump ang mainit na pagtanggap sa mga estudyanteng Tsino sa Amerika.
Kaugnay ng isyu ng Korean Peninsula, ipinahayag ni Xi ang pagkatig ng Tsina sa pagpapanatili ng diyalogo at pag-uugnay sa pagitan ng mga lider ng Amerika at Hilagang Korea (DPRK). Umaasa si Xi na magpapakita ang Amerika at Hilagang Korea ng pleksibilidad para mapanumbalik ang diyalogo sa lalong madaling panahon at malutas ang pagkabahala ng isa't isa. Ipinahayag din ni Xi ang kahandaan ng Tsina na patuloy na gumanap ng konstruktibong papel para rito.
Ipinahayag naman ni Trump ang pagpapahalaga ng panig Amerikano sa mahalagang papel ng Tsina sa isyu ng Korean Peninsula. Nakahanda aniya ang Amerika na panatilihin ang pakikipag-ugnayan sa Tsina hinggil dito.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |