Sa panayam kamakailan, ipinahayag ng mga dayuhang politikong kalahok sa aktibidad ng Departamentong Pandaigdig ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na nagiging pangkalahatang tunguhin ang globalisasyon at hindi ito nagbabago. Anila, walang anumang kuwenta ang unilateralismo para malutas ang trade friction, at nagiging pinakamabuting pagpili ang mapayapa at mapagkaibigang pagsasanggunian sa paglutas sa mga isyu.
Ipinahayag ni Shwe Bhan, National League for Democracy (NLD) ng Myanmar, ang kanyang kasiyahan sa pagkakasundo ng mga lider ng Tsina at Amerika sa G20 Summit sa Osaka na panunumbalikin ang trade talks. Aniya, masaya siyang nakikita ang pagpapanatili ng Tsina at Amerika ng mapagkaibigang relasyon, at taglay niya ang kompiyansa sa pinal na pagresolba sa alitang pangkalakalan ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Hussein Sultani, miyembro ng Central Consultative Council of Badr Organization ng Iraq, na ang natamong bunga ng pagtatagpo ng mga lider ng Tsina at Amerika sa Osaka ay angkop sa mithiin ng iba't-ibang panig. Umaasa aniya siyang magkasamang magpupunyagi ang dalawang panig sa pundasyon ng paggagalangan sa isa't-isa, mutuwal na kapakinabangan, at win-win result, upang magkaroon ng resultang katanggap-tanggap para sa iba't-ibang panig.
Salin: Li Feng