|
||||||||
|
||
Inilathala nitong Miyerkules, Hulyo 3 ng Washington Post ang bukas na liham na pinamagatang "Hindi Kalaban ang Tsina" para kay Pangulong Donald Trump at mga miyembro ng Kongreso. Ang nasabing liham na sinulat ng limang dating matataas na opisyal ng pamahalaan at kilalang akademiks na Amerikano ay pinirmahan ng 95 dalubhasa mula sa mga sektor na akademiko, diplomatiko, militar, negosyo, at iba pa. Anang liham, ang paggawa sa Tsina bilang kalaban ay taliwas sa hangarin o counterproductive, at walang "Washington consensus" na sumusuporta sa panlahat na ostilong paninindigan laban sa Tsina.
Kabilang sa limang may-akda sina M. Taylor Fravel, Propesor ng political science ng MIT; J. Stapleton Roy, kilalang iskolar ng Wilson Center at dating embahador na Amerikano sa Tsina; Michael D. Swaine, senior fellow sa Carnegie Endowment for International Peace; Susan A. Thornton, senior fellow ng Yale Law School's Paul Tsai China Center at dating pansamantalang asistanteng kalihim ng estado para sa mga suliranin ng Silangang Asya at Pasipiko; at Ezra Vogel, professor emeritus ng Harvard University. Nakikitang dalubhasa sila sa pag-aaral sa mga ugnayang Sino-Amerikano at mayaman din sila sa mga karanasang pulitikal.
Ang mga pangunahing paninindigan ng liham ay ang mga sumusunod: una, hindi kalabang pangkabuhayan ang Tsina at ang pamahalaang Amerikano ang nagsagawa ng maraming aksyon na direktang nauwi sa pagbulusok ng relasyong Sino-Amerikano; ang tangka ng pamahalaang Amerikano na ituring ang Tsina bilang kalaban at ihiwalay ang Tsina sa pandaigdig na kabuhayan ay makakapinsala sa katayuan ng Amerika sa mundo at makakasira sa interes na pangkabuhayan ng lahat ng mga bansa; ang pakikilahok ng Tsina sa pandaigdig na sistema ay napakahalaga sa pagpapanatili ng sistema at epektibong aksyon kaugnay ng komong problema na gaya ng pagbabago ng klima; ang pinaka-nakakabuti sa interes ng Amerika ay pagpapanumbalik ng kakayahan nito para epektibong makipagkompetisyon sa nagbabagong daigdig, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa ibang mga bansa at organisasyong pandaigdig, sa halip na magsagawa ng "counterproductive effort" para mapigilan ang Tsina.
Ipinakikita rin ng liham na ang mga natamong bunga sa pagtatagpo sa Osaka nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika ay angkop sa hangarin ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Sa kanilang pag-uusap sa sidelines ng katatapos na Osaka G20 Summit, sumang-ayon ang dalawang lider na patuloy na pasusulungin ang bilateral na relasyon, batay sa koordinasyon, kooperasyon at katatagan, at ipagpapatuloy ang talastasang pangkalakalan batay sa pagkakapantay at paggagalangan.
Tulad ng nakasaad sa liham, ang Tsina ay hindi kalabang pangkabuhayan ng Estados Unidos. Ang GDP ng dalawang bansa ay katumbas ng 40% ng buong GDP ng daigdig, at nakikinabang ang dalawang bansa sa lumalaking kasaganaan ng isa't isa. Kaya lang, ang kapasiyahan ng Washington na ipataw ang karagdagang taripa sa mga panindang Tsino ay nakapinsala sa kapuwa panig. Ayon sa datos na inilabas nitong Miyerkules, Hulyo 3, ng Kagawaran ng Komersyo ng Amerika, nitong nagdaang Mayo, umabot 30.2 bilyong US dollar ang trade deficit ng Amerika sa Tsina, at ito ay mas mataas ng 12.2% kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon.
Sa susunod na yugto, bilang pagpapatupad sa narating na komong palagay ng dalawang pangulo sa Osaka, kailangang ipagpatuloy ng mga grupong pangnegosasyon ng dalawang bansa ang kanilang talastasang pangkalakalan. Ang pagkakaroon ng pinal na kasunduan ay nangangailangan ng buong-tatag na pagpupunyagi ng magkabilang panig. Kung ipagpapatuloy ang talastasan batay sa diwa ng pagiging patas at paggagalangan, kapuwa mananalo ang Tsina't Amerika.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |