Inilathala nitong Miyerkules, Hulyo 3 ng Washington Post ang bukas na liham na pinamagatang "Hindi Kalaban ang Tsina" para kay Pangulong Donald Trump at mga miyembro ng Kongreso. Kinilala ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang makatwiran, obdyektibong pananaw sa nasabing liham, sa regular na preskon nitong Huwebes, Hulyo 4. Diin ni Geng, hindi dapat ilarawan ang relasyong Sino-Amerikano sa pamamagitan ng pagkakaiba, at hindi rin ito dapat maapektuhan ng pagkiling at maling pagtasa.
Dagdag pa ni Geng, pinatunayan ng mga pagsubok at karanasan nitong 40 taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina't Amerika, na naisasakatuparan ng dalawang bansa ang paggagalangan at komong pag-unlad, batay sa kawalang komprontasyon, sa kabila ng kanilang nagkakaibang kasaysayan, kultura, sistemang panlipunan, at ideolohiya.
Ang nasabing liham na sinulat ng limang dating matataas na opisyal ng pamahalaan at kilalang akademiks na Amerikano ay pinirmahan ng 95 dalubhasa mula sa mga sektor ng akademiya, patakarang panlabas, militar, negosyo, at iba pa. Anang liham, ang paggawa ng Tsina bilang kalaban ay taliwas sa hangarin o counterproductive, at walang "Washington consensus" na sumusuporta sa panlahat na ostilong paninindigan laban sa Tsina. Pitong mungkahi hinggil sa relasyong Sino-Amerikano ang iniharap din ng liham.
Salin: Jade
Pulido: Mac