Ayon sa estadistikang inilabas kahapon, Huwebes, ika-11 ng Hulyo 2019, ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, noong unang hati ng taong ito, umabot sa mahigit 478 bilyong yuan RMB ang halaga ng aktuwal na nagamit na pondong dayuhan ng Tsina, at ang bilang na ito ay lumaki ng 7.2% kumpara sa gayon ding panahon ng 2018.
Ayon pa rin sa estadistika, mabilis ang paglaki ng pondong dayuhang napunta sa industriya ng hay-tek ng Tsina, at ang halaga nito ay mas malaki nang 44.3% kumpara sa unang hati ng nagdaang taon. Kung titingnan naman ang bansang pinanggalingan ng pondong dayuhan, ang pamumuhunan mula sa Timog Korea, Singapore, Hapon, at Alemanya ay pawang lumaki ng mahigit 10%.
Sinabi rin ni Tagapagsalita Gao Feng ng naturang ministri, na pinag-iibayo ng Tsina ang pagkatig sa pag-unlad ng mga kompanyang dayuhan sa bansa, sa pamamagitan ng mga bagong hakbanging gaya ng pagbalangakas ng Batas sa Pamumuhunang Dayuhan, pagbabawas ng mga aytem sa Negative List for Foreign Investment Access, at iba pa. Dagdag niya, hindi hahadlang ang Tsina sa pag-unlad ng anumang kompanyang dayuhan at hindi ring tatangi sa anumang kompanyang dayuhan.
Salin: Liu Kai