|
||||||||
|
||
"Sa kauna-unahang pagkakataon, kalahok ang Pilipinas sa Asia Dive Expo (ADEX), isa sa pinakamalaki at pinakamatagal nang dive show sa buong mundo."
Ito ang ipinahayag ni Tomasito Umali, Tourism Attache ng Pilipinas sa Beijing, sa kanyang panayam sa Serbisyo Filipino.
Sina Tomasito Umali (sa kaliwa), Tourism Attache ng Pilipinas sa Beijing at Rofel Nillos (sa kanan), isang Pilipinong nagtatanghal sa ekspo
Ani Umali, malaki ang benepisyong hatid ng paglahok ng Pilipinas sa ADEX dahil ang expo na ito ay kilalang-kilala ng maraming dive enthusiast, dive professional, at turista sa buong mundo, kaya naman maipapakilalang mabuti ang maraming destinasyong panturista ng Pilipinas, lalo na sa pagsisid.
Isa pang dahilan sa paglahok ng Pilipinas sa ADEX ay ang pagsusulong ng sustenableng turismo ng pagsisid at pangangalaga sa karagatan, dagdag ni Umali.
Mga Pilipinong nagtatanghal sa Ekspo
Pareho aniyang isinusulong ng pamahalaang Pilipino at ADEX ang mga nasabing adhikain, kaya naman, napapanahon ang pagsasanib-puwersang ito upang maipakilala sa buong Asya ang magagandang lugar sa pagsisid ng Pilipinas at maisulong ang kamalayan sa pangangalaga sa karagatan.
Si Winston Dean Almeda, First Secretary ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing
Sa kanya namang pambungad na talumpati sa pagbubukas ng ADEX Hulyo 12, 2019 sa Beijing, sinabi ni Winston Dean Almeda, First Secretary ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, na isang malaking bagay ang pagsisid sa Pilipinas.
Taglay aniya ng bansa ang ilan sa mga pinakamaganda at pinakamahusay na lugar sa pagsisid sa mundo.
"Ang Pilipinas ay ang sentro ng pinakadibersipikadong kapaligirang pandagat ng mundo, na tinatawag na Coral Triangle. Kaya naman, dito makikita ang pinakamarami at pinakadibersipikadong uri ng buhay sa ilalim ng dagat sa daigdig," pagmamalaki ni Almeda.
Mga Pilipinong nagtatanghal sa Ekspo
Aniya, dahil sa mga ito, hindi lamang naging tanyag ang Pilipinas sa mga propesyunal na maninisid kundi sa mga baguhang maninisid din at iba pang turistang gustong masilayan ang makalaglag-hiningang kagandahang taglay ng ilalim ng karagatan ng Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ni Almeda, na ang Tsina ay isa sa mga nangungunang umaahong pamilihan ng pagsisid ng mundo, na may humigit-kumulang sa 200 grupo ng Professional Association of Dive Instructors (PADI), at may halos 250,000 PADI-certified na maninisid.
Hinggil dito, ipinahayag niya ang mataas na pananalig sa pagpunta sa Pilipinas ng mga maninisid na Tsino.
Mga Pilipinong nagtatanghal sa Ekspo
Ilan sa mga kilalang destinasyon sa pagsisid sa Pilipinas ay Oslob, Cebu; Donsol, Sorsogon; Batangas; Mindoro; Palawan; Bohol at Negros Oriental.
Kamakailan, isinusulong na rin ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas (DoT) ang mga lugar na gaya ng Timog Leyte, Romblon, Camiguin/ Medina, Saragani, Ticao Island at Davao bilang mga umaahong destinasyon sa pagsisid.
"Sa mga kaibigang Tsino at kasamahan sa pagsisid, ito ang mensahe sa inyo – gawin ninyo ang inyong susunod na pagsisid sa Pilipinas," may karangalang himok ni Almeda sa mga dumalo sa pagtitipon.
Si John Thet, Pangulo at Chief Executive Officer ng ADEX
Sa kanya namang hiwalay na talumpati, sinabi ni John Thet, Pangulo at Chief Executive Officer ng ADEX, na napapanahon ang pagsali ng Pilipinas ngayong taon sa ADEX dahil napakaraming pagkakapareho ng mga adhikain ng ADEX at pamahalaang Pilipino: nariyan aniya ang sustenableng pangangalaga sa karagatan, pagbabawal sa paggamit ng mga single-use na plastik, paggawa ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng sustenableng paraan at marami pang iba.
Mga exhibitors
Inanyayahan din niya ang mga dumalo sa pagtitipon na subukang sumisid at bisitahin ang mga karagatan ng Pilipinas.
Ulat: Rhio
Photographer: Ramil Santos
Web Editor: Jade / Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |