|
||||||||
|
||
Bilang pagbatikos sa nangyaring radikal na aksyon sa Hong Kong nitong Linggo, Hulyo 21, isang komentaryo ang inilabas nang araw ring iyon ng Xinhua, opisyal na ahensya ng pagbabalita ng Tsina.
Kahapon ng hapon, pagkatapos ng prosesyong pampubliko, ilang protestador ang sumugod sa Liaison Office ng Pamahalaang Sentral ng Tsina sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR). Mayroon ding mga protestador na nagdungis sa pambansang sagisag ng Tsina at sumulat ng mapang-insultong pananalita.
Anang komentaryo, hinding hindi mahahamon ang Liaison Office dahil inawtorisahan itong tupdin ang tungkulin alinsunod sa Konstitusyon ng Tsina at Saligang Batas ng Hong Kong. Kaugnay ng pagdungis ng mga protestador sa pambansang sagisag ng Tsina, diin ng komentaryo, ang pambansang sagisag, kasama ng pambansang watawat at pambansang awitin ay pambansang simbolo ng Tsina, na inatang ng Konstitusyon, at ang pangangalaga sa dignidad ng pambansang sagisag ay proteksyon sa dignidad ng buong bansa at sambayanang Tsino. Ang lantarang pagdungis sa pambansang sagisag ay pagyurak sa pambansang karangalan at damdamin ng sambayanang Tsino. Hinding hindi matatanggap ang ganitong aksyon ng lahat ng mga mamamayang Tsino na kinabibilangan ng mga taga-Hong Kong. Nitong nagdaang Sabado, Hulyo 20, sumuong sa ulan, at nagtipun-tipon ang libu-libong taga-Hong Kong, bilang pangangalaga sa kapayapaan ng Hong Kong at suporta sa pagpapanatili ng kaayusang panlipunan ng mga pulis, batay sa mga batas.
Dagdag pa ng komentaryo, ang paglala ng karahasan ng mga radikal na protestador ay nagbunyag ng tangka nila na manghimasok sa maayos na operasyon ng HKSAR at sistemang Isang Bansa Dalawang Sistema para mapigilan ang panlahat na pag-unlad ng Tsina sa pamamagitan ng pagpapagulo ng HK.
Bilang panapos, inulit ng komentaryo ang pagkatig sa pamahalaan at kapulisan ng HKSAR sa pangangalaga sa kaayusan ng HK, ayon sa batas. Nanawagan din ang komentaryo sa lahat ng mga taga-HK na alamin ang kapinsalaang dulot ng mga radikal na tao sa katatagan ng HK at buong sikap na pangalagaan ang katatagan ng rehiyon.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |