Kaugnay ng bukas na liham ng isang dating opisyal Amerikano hinggil sa Tsina, sinabi ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na hindi ito kumakatawan sa pangunahing opinyong publiko ng Amerika at hindi rin ito makakaapekto sa direksyon ng pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano. Itatapon ang liham sa basurahang pangkasaysayan, dagdag pa ni Geng.
Inilathala kamakailan sa media ng Amerika ni James E. Fanell, dating Direktor ng Intelligence and Information Operations ng US Pacific Fleet, ang bukas na liham para kay Pangulong Donald Trump. Pinuna ng liham ang mga patakarang panloob at panlabas ng Tsina. Hinikayat din nito ang pamahalaang Amerikano na magsagawa ng mga patakaran laban sa Tsina.
Saad ni Geng, ang liham ay puno ng ideolohikal na pagkiling at zero-sum na pag-iisip. Kabilang sa mahigit 130 pumirma sa liham mula sa labas at loob ng Amerika, ay mga miyembro ng kultong Funlun Gong, at suntok ito sa kredibilidad ng liham, diin ni Geng.
Hiniling ni Geng sa mga tauhang Amerikano na itigil ang paninira sa Tsina, at sa halip, gawin ang mga makakabuti sa pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Salin: Jade
Pulido: Rhio