Sapul nang ilunsad ng Amerika ang alitang pangkalakalan laban sa Tsina noong 2018, lumitaw ang bintang na umabot sa 600 bilyong US dollar ang taunang halaga ng karapatan ng pagmamay-ari ng likhang-isip (IPR) na ninakaw ng Tsina mula sa Amerika. Bilang tugon, inilabas ng China Center for International Economic Exchanges (CCIEE) ang ulat ng pananaliksik na nagpapatunay kung paano nilikha ang nasabing kasinungalingan.
Noong Pebrero, 2017, isinapubliko ng Commission on the Theft of American Intellectual Property (IP Commission) ang ulat, na kinilala rin bilang IP Commission Report. Ayon sa pagtaya ng nasabing ulat, umabot mula 225 bilyong US dollars hanggang 600 bilyong US dollars bawat taon ang pinsala sa Amerika na idinulot ng di-umano'y ninakaw na IPR. Nahahati ang ulat ng mga ninakaw na IPR na Amerikano sa tatlong kategorya, na kinabibilangan ng counterfeit and pirated tangible goods, pirated software, at trade secret.
Noong Mayo 11, 2018, sa ulat nito sa Tanggapan ng Kinatawang Pangkalakalan ng Estados Unidos, inilahad ng IP Commission na "posibleng lumampas sa 600 bilyong US dollars ang pinsala sa Amerika sa larangan ng IPR, at mas mataas ito sa trade deficit ng bansa." Ang kusang pagsipi ng IP Commission ng pinakamataas na 600 bilyong dolyares na pinsala ay nagligaw sa pamahalaan at lipunang Amerikano. Bunsod nito at higit pa, ibayo pang nagkamali ang ilang organo at indibiduwal sa pagsipi ng nasabing datos at sinisi ang Tsina.
Salin: Jade
Pulido: Mac