Bilang tugon sa inulat na 90% pagbaba ng pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino sa Amerika, sinabi nitong Martes, Hulyo 23, ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang walang katwirang paninira at pagsugpo ng pamahalaang Amerikano sa mga bahay-kalakal ng Tsina ay nakakapinsala sa tiwala ng mga negosyong Tsino at dayuhan sa pamilihan ng Amerika.
Ayon sa ulat kamakailan ng New York Times, bunsod ng alitang pangkalakalan ng dalawang bansa, bumaba nang 90% ang pamumuhunang Tsino sa pamilihang Amerikano.
Kaugnay nito, sinabi ni Hua na wala pa siyang natamong ispesipikong estadistika hinggil sa pamumuhunan ng Tsina sa Amerika, pero napuna niya ang pananalita ni Craig Allen, Presidente ng US-China Business Council (USCBC) sa ulat. Ayon kay Allen, ang restriksyon ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump ay nakaapekto sa mahihirap na lugar ng Amerika. Sinabi naman ng isang alkalde mula sa Estado ng Kentucky na ang malaking pagbaba ng pamumumuhunang Tsino ay nagdulot ng negatibong epekto sa mga bagong-sibol na high-tech na kompanya.
Salin: Jade
Pulido: Rhio