Magkakasanib na ipinadala kamakailan ng 24 na kasaping bansa ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang liham bilang pagbatikos sa patakaran ng Tsina sa Xinjiang. Pero, bilang reaksyon, magkakasanib ding nagpadala kamakailan ng liham ang mga embahador ng 50 bansa sa tagapangulo ng UNHRC at UN High Commissioner for Human Rights, para katigan ang paninindigan ng panig Tsino sa mga isyung may kinalaman sa Xinjiang. Kaugnay nito, ipinahayag Lunes, Hulyo 29, 2019 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na sa isyu ng Xinjiang, malinaw ang katotohanan; ano ang tunay, ano ang huwad; at sino ang may katarungan.
Ani Hua, sa kasalukuyan, ang isyu ng Xinjiang ay isyu kontra-terorismo at deradikalisasyon, sa halip na isyu ng relihyon at karapatang pantao. Aniya, sa harap ng matinding banta ng terorismo at ekstrimismo, isinagawa ng pamahalaan ng Xinjiang ang isang serye ng mga hakbanging kontra-terorismo at deradikalisasyon na gaya ng pagtatayo ng sentro ng edukasyong bokasyonal at pagsasanay, alinsunod sa batas: bagay na nagpabago sa kalagayang panseguridad ng Xinjiang. Nitong nakalipas na 3 taon, walang marahas at teroristikong pangyayari ang naganap sa Xinjiang. Winewelkam aniya ng panig Tsino ang mga kaukulang personahe at opisyal ng nabanggit na 24 na bansa na bumisita sa Xinjiang, at tularan ang karanasan ng Xinjiang sa paglaban sa terorismo at deradikalisasyon.
Salin: Vera