Sa kanyang paglahok ngayong araw, Biyernes, ika-2 ng Agosto 2019, sa Bangkok, Thailand sa Ika-20 Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Tsina, Hapon, at Timog Korea, pinakli ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ang mga di-responsableng pananalita hinggil sa naganap na tagtuyot sa kahabaan ng Lancang-Mekong River.
Sinabi ni Wang, na sa taong ito, naganap ang tagtuyot hindi lamang sa dulong ibaba ng Lancang-Mekong River, kundi rin sa itaas na bahagi ng ilog na ito na sa loob ng Tsina. Aniya, batay sa pangangailangan ng mga bansa sa dulong ibaba at sa kabila ng sariling kahirapan, dinagdagan ng Tsina ang tubig umaagos tungo sa dulong ibaba, para pahupain ang kalagayan ng tagtuyot sa mga may kinalamang lugar.
Dagdag ni Wang, ang bolyum ng tubig mula sa Lancang River ay katumbas lamang ng 13.5% ng bolyum ng tubig sa Mekong River, at ang mga pangunahing elementong nakakaapekto sa bolyum ng tubig sa Mekong River ay bolyum ng tubig sa mga sangay nito at bolyum ng ulan sa lokalidad. Aniya, hindi angkop sa aktuwal na kalagayan ang mga di-responsableng pananalita ng ilang bansa sa labas ng rehiyong ito tungkol sa kasalukuyang tagtuyot sa Lancang-Mekong River.
Ang Lancang-Mekong River ay isang ilog na umaagos sa Tsina, at ilang bansang ASEAN na gaya ng Laos, Myanmar, Thailand, Kambodya, at Biyetnam. Ang itaas na bahagi ng ilog ay sa loob ng Tsina at tinatawag na Lancang River. Ang ibabang bahagi naman ay tinatawag na Mekong River at umaagos sa pagitan ng naturang 5 bansa.
Salin: Liu Kai