Sa pagtataguyod ng Embahada ng Tsina sa Biyetnam at Akademiyang Diplomatiko ng Biyetnam, idinaos kahapon, Lunes, ika-18 ng Marso 2019, sa Hanoi, ang talakayan hinggil sa kooperasyon sa Lancang-Mekong River.
Sa talakayan, ipinahayag ni Xiong Bo, Embahador ng Tsina sa Biyetnam, ang pag-asang patuloy na palalalimin ng 6 na bansa sa Lancang-Mekong River ang partnership at kooperasyon, at gagawa ng mas malaking pagsisikap para sa sustenableng pag-unlad ng kabuhayan sa rehiyong ito.
Ipinahayag naman ni Nguyen Van Thao, Asistenteng Ministrong Panlabas ng Biyetnam, ang pagkatig ng kanyang bansa sa kooperasyon sa Lancang-Mekong River. Aniya, handa ang Biyetnam na patuloy at aktibong lumahok sa naturang kooperasyon.
Ipinalalagay naman ni Nguyen Quoc Truong, mananaliksik ng Instituto ng Estratehikong Pag-unlad ng Ministri ng Pagpaplano at Pamumuhunan ng Biyetnam, na kailangang galugarin pa ang malaking potensyal ng kooperasyon sa Lancang-Mekong River sa mga aspektong gaya ng malalaking proyekto ng imprastruktura, kooperasyong panghanggahan, at kooperasyon sa pamumuhunan.
Salin: Liu Kai