Miyerkules, Hulyo 31, 2019, idinaos sa Bangkok, Thailand ang pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Mabungang mabunga ang nasabing pulong, at narating ng iba't ibang kalahok na panig ang maraming mahahalagang komong palagay sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kalakalan, seguridad, at kultura. Narating din ang bagong progreso sa kooperasyon ng Tsina at ASEAN.
Sa pulong, nagkaisa ng palagay ang Tsina at ASEAN hinggil sa sinerhiya ng Belt and Road Initiative at Master Plan on ASEAN Connectivity 2025 (MPAC 2025). Sisimulan at matatapos sa lalong madaling panahon ang kaukulang pagsasanggunian.
Mahalagang progreso ang natamo rin ng kapuwa panig sa aspekto ng magkasamang pagtatakda ng alituntunin ng rehiyon. Hinggil dito, magkasamang ipinatalastas ng iba't ibang kalahok na panig ang maagang pagbibigay-wakas sa unang round ng pagsusuri sa single draft negotiating text ng Code of Conduct in the South China Sea (COC). Ito ay hindi lamang palatandaang naisaayos na sa kabuuan ang balangkas ng COC, kundi nagpapakita rin ng matibay na mithiin ng Tsina at ASEAN sa magkasamang pangangalaga sa kayapaan at katatagan ng South China Sea.
Bukod pa riyan, kapansin-pansin ang ibang bunga na narating sa nasabing pulong. Sinang-ayunan ng kapuwa panig na palawakin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng e-commerce, inobasyon sa siyensiya't teknolohiya, 5G network, smart city at iba pa. Pag-iibayuhin din ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng pagpapalitang kultural at sustenableng paggamit ng yamang pandagat.
Salin: Vera