|
||||||||
|
||
Ipinatalastas kamakailan ng panig Amerikano na daragdagan ng 10% taripa ang mga ini-aangkat nitong produktong Tsino na nagkakahalaga ng 300 bilyong dolyares. Ito ay grabeng lumalabag sa napagkasunduan ng mga lider ng dalawang bansa sa Osaka Summit, at ipinakikita rin nito ang pagkatig ng ilang politikong Amerikano sa kanilang zero sum thinking. Walang duda, lilikhain ng nasabing anunsyo ang malubhang kahirapan sa trade talks ng Tsina at Amerika, makakapinsala sa kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa at buong daigdig, at magpapalala sa panganib ng global economic recession.
Ang zero sum thinking ay tumutukoy sa isang kaisipan kung saan, ang isang panig ay magtatamo ng kapakanan, at maisasadlak naman sa kapinsalaan ang iba. Ang kaisipang ito ay isang mali at balighong teorya, at nakakapinsala rin sa lahat. Ngunit ginagamit ng ilang personaheng Amerikano ang kaisipang ito sa pandaigdigang pagpapalagayang pangkabuhayan. Walang habas at bastos nilang ipinalalagay na ang paglaki ng kabuhayan ng ibang bansa ay sumasagisag sa kapinsalaan ng sariling kapakanang pangkabuhayan, at tiyak nilang isasagawa ang mga mapaniil na aksyon. Nitong mahigit isang taong nakalipas, ang iba't-ibang uri ng aksyon ng ilang politikong Amerikano sa trade talks na tulad ng pagkakaroon ng madalas na pagbabago, pagsasabi ng mga salitang di-mapagkakatiwalaan, pagpapataw ng sukdulang presyur, at paghingi ng labis na kahilingan, ay pawang malinaw na pagpapakita ng zero sum thinking.
Ngunit, nagiging bukas at interkonektado ang kasalukuyang daigdig, at di mahahadlangan ang tunguhin ng globalisasyon. Kaya, sa katotohanan, wala na sa tamang panahon ang zero sum thinking, at maaga itong itinakwil ng kasaysayan. Pero, iginigiit pa ng ilang personaheng Amerikano ang kaisipang ito at binabalewala ang tuntunin ng kaunlarang pangkabuhayan. Ito ay hindi lamang nakakapinsala sa iba, kundi sa sarili.
Kaya, sa kasagsagan ng paglabas ng panibagong tariff hike ng Amerika, matindi itong tinututulan ng iba't-ibang sektor ng bansang ito. Sa artikulong inilathala ng pahayagang "New York Times," tinukoy nito na ang muling paglulunsad ng Amerika ng tariff war sa Tsina, ay nagpapalala sa maigting na kalagayan ng kalakalang pandaigdig, at nagpapababa sa mga pangunahing stock index. Sinipi ng American Cable News Network (CNN) ang opinyon ng tagapag-analisang Amerikano na nagsasabing ang panibagong tariff hike ng kanilang pamahalaan ay posibleng magdulot ng napakalaking pinsala sa kabuhayang pandaigdig. Dahil sa paglala ng trade war, tumaas ang panganib ng global recession, anito pa. Nagbabala ang Bloomberg na sa kalagayan ng napagkasunduan ng Tsina at Amerika sa katatapos na Ika-12 Trade Talks sa Shanghai, na ituloy ang kanilang pagsasanggunian sa susunod na buwan, ang nasabing aksyon ng Amerika ay sumasagisag ng muling paglala ng trade war sa pagitan ng dalawang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig. Tinukoy din ng maraming pangunahing mediang Amerikano na ang nasabing tariff hike ay nagbunsod ng napakalaking pagkagalit mula sa sirkulo ng bahay-kalakal ng bansang ito. Palagian nilang isinusulong ang pagbibigay-wakas ng pamahalaang Amerikano sa trade war. Sa kanilang mata, nagiging mas malaki ang negatibong epekto ng trade war sa kabuhayan ng Amerika at buong daigdig.
Bilang dalawang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, napakasalimuot ng kanilang problemang pangkabuhayan at pangkalakalan, at dapat resolbahin ang lahat ng problema sa pamamagitan ng pagsasanggunian. Kinakailangan dito ang katapatan, aksyon, oras, at pasensya. Pinayuhan din ng panig Tsino ang ilang personaheng Amerikano na alamin ang pangkalahatang tunguhin ng pag-unlad ng kasaysayan, itugma ang tuntunin ng kaunlarang pangkabuhayan, at itakwil ang zero sum thinking sa pinakamadaling panahon para makalikha ng mainam na kondisyon sa paglutas sa alitang Sino-Amerikano sa kabuhayan at kalakalan.
Salin: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |