Ipinadala kamakalawa, Linggo, ika-4 ng Agosto 2019, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang liham sa mga magsasaka ng Nayong Xiadang, lalawigang Fujian sa timog silangang Tsina, bilang pagbati sa pagbangon ng nayong ito sa kahirapan.
Sinabi ni Xi, na sa pamamagitan ng 30 taong pagpupunyagi, natamo ng Nayong Xiadang ang napakalaking pag-unlad, at lubos na napabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan sa lokalidad. Pinatutunayan aniya nitong kinakailangan ang walang humpay na pagsisikap para isakatuparan ang pag-unlad. Umaasa si Xi, na igigiit ng mga taga-Xiadang ang diwang ito, para ibayo pang pasulungin ang pag-ahon ng kanilang nayon.
Ang Nayong Xiadang ay matatagpuan sa kabunduan ng Fujian. Nitong 30 taong nakalipas, sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng agrikultura at paghahayupan, at konstruksyon ng mga impastruktura, lalung-lalo na ng mga lansangang tungo sa labas, naiahon sa kahirapan ang Xiadang. Kamakailan, ipinadala ng mga taga-Xiadang ang liham kay Xi, para ipaalam sa kanya ang ulat na nakahulagpos na sa kahirapan ang nayon.
Salin: Liu Kai