|
||||||||
|
||
Sa isang artikulong inilathala sa Straitstimes ng Singapore nitong Agosto 8, 2019, ibinahagi ng komentaristang si Leslie Fong ang kaniyang pananaw hinggil sa biglaang pagpapataw nitong Agosto 1 ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ng karagdagang taripa sa 300 bilyong dolyares na halaga ng inaangkat ng produktong Tsino na nagkakabisa sa buwan ng Setyembre.
Bilang ganti sa biglaang desisyon na ikinagulat ng Tsina, inutusan nito ang mga kompanyang pag-aari ng gobyerno na itigil ang pag-aangkat ng produktong agrikultural mula sa Amerika at pinayagang umabot ang palitan ng 1 dolyar sa 7 Yuan RMB.
Isa pang insidente na dapat tingnan ayon kay Fong ay ang paggamit ng Amerika sa naantalang pagpapatigil ng pagluluwas ng fentanyl ng Tsina, na di umano'y sanhi ng problema sa adiksyon sa Amerika, bilang isa pang dahilan para dagdagan pa ng 10% ang taripa. Ang fentanyl ay opioid na ginagamit na sangkap para sa pain killers.
Ang mga hakbang na ito, ani Fong ay lubhang nakaapekto sa stock markets ng buong daigdig. Marami rin ang naluging mga negosyo dahil dito.
Sinabi rin ni Fong sa artikulo na ang ganitong taktika ni Trump ay hindi mabisang paraan para tugunan ang alitang pang-kalakalan ng dalawang bansa. Inulit din niya ang paninindigan ng Beijing na hindi ito papasok sa negosasyon sa Amerika kung may nakatutok na baril sa ulo nito.
Matatandaang inutos ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina noong nakaraang Disyembre 2018 ang pagbabawal sa produksyon ng fentanyl at mga produktong hango rito. Sa kabila nito, hindi ikinasiya ni Pangulong Trump ang desisyon at iniaatang pa ang pagtugon sa krisis ng opioid addiction sa Tsina. Bagay na dapat sana ay dapat inaayos ng mga kumpanya ng mga gamot.
Sa mga kaganapang ito, sasagi sa isipan ani Fong ang mga kaganapan sa kasaysayan partikular noong ika-19 na siglo kung saan lubos na pinakinabangan ng Amerika ang opium trade sa pagitan ng Britanya at Tsina. Ngayon, halos 200 taon ang nakalipas, ibinubunton ng Amerika ang sisi sa Tsina sa problema nito sa drogang nilikha naman ng sarili nitong mga doktor at kumpanya ng parmasyutika.
Bilang pagtatapos, inulit ni Fong ang pananaw na kung ganito ang pakikituring ng Amerika sa Tsina, paano mahahanap ang kalutasan sa mga problema kung ganitong panggigipit naman ang ginagawa.
Salin: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |