|
||||||||
|
||
Ang naturang pahayag ng Tsina ay bilang reaksyon sa anunsyo ng Kagawaran ng Tanggulang Bansa ng Amerika na opisyal nitong ipinaalam sa Kongreso ang arms package na nagkakahalaga ng US$8 bilyon. Ang naturang pagbebenta ng armas, ayon sa Tsina ay grabeng paglabag sa pandaigdigang batas at sa panuntunan ng internasyonal na ugnayan, pagbabayaran ng Amerika ang panghihimasok nito sa sularining panloob ng Tsina at paglabag sa soberanya at seguridad ng bansa.
Ang pagbebenta ng armas sa Taiwan ay tinik sa bilateral na relasyon. Lumalabag ito sa mga nakasaad sa tatlong komunike ng Tsina at Amerika. Higit pang pinalala ng Pamahalaang Trump ang usapin nang ipasa nito ang National Defense Authorization Act para sa Piskal na Taong 2020 na sumusuporta sa patuloy na pagbebenta ng armas sa Taiwan. Ang transaksyong ito ay banta sa ugnayang Tsino-Amerikano at maging sa kalagayan ng Taiwan Straits.
Ang pagbebenta ng armas ay isang paraan ng Administrasyon ni Trump upang pagsilbihan ang interes ng mga kompanyang Amerikano at upang maging ulo ng mga balita ang 8 bilyong dolyares na pagpapasigla ng kalakalan sa ibayong dagat. Hayagang hakbang ito upang payukurin ang Beijing sa kasalukuyang negosasyong pangkalakalan, kung saan kinaharap ng pamahalaang Amerikano ang presyur bunsod ng ganting hakbang ng Tsina. Ang usapin ng Taiwan ay tungkol sa kasarinlan at pangangalaga sa teritoryo ng Tsina, at ito ay hindi bargaining chip o pang-pusta sa negosasyong pangkalakalan.
Walang bentahe ang arms sale sa Taiwan. Lilikhain nito ang problema sa seguridad ng isla at sa mas malawak na rehiyon. Ang multi-bilyong dolyares na bentahan ay pabigat din sa ekonomiya ng isla, na tinatayang lalaki ng di hihigit sa 2.1% ngayong taon. Ang pagtalikod ng Amerika sa prinsipyong Isang Tsina ay nakakasira sa sariling internasyonal na kredibilidad.
Hindi papayagan ng Tsina ang Amerika na gamiting pamato ang Taiwan sa mga hakbang nitong pigilan ang pag-unlad ng bansa. Ang kinabukasan ng Taiwan ay nakasalalay sa reunipikasyon sa inang bayan at sa pagkakaisa at pagsigla ng bansa. Anumang tangka ng Amerika na pigilan ang Tsina sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa Taiwan ay hindi magkakaroon ng mabuting bunga.
Salin: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |