Inilabas ngayong araw, Biyernes, ika-23 ng Agosto 2019, ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang mga detalye ng gagawing pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tsina mula ika-28 ng buwang ito hanggang unang araw na darating na Setyembre.
Ayon kay Geng, sa panahon ng pagdalaw, magtatagpo sa Beijing sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Duterte, at magkasama silang dadalo sa seremonya ng pagbubukas ng FIBA Basketball World Cup 2019. Mag-uusap sina Premyer Li Keqiang at Pangulong Duterte, at kasama rin niya si Pangalawang Pangulong Wang Qishan, para manood ng isang laro ng koponang Pilipino sa Basketball World Cup sa lalawigang Guangdong sa timog Tsina.
Sinabi rin ni Geng, na ang Pilipinas ay matalik na kapitbansa ng Tsina at mahalagang katuwang ng Belt and Road Iniative. Nananalig aniya siyang ang pagdalaw na ito ni Pangulong Duterte ay magbibigay ng bagong sigla sa tuluy-tuloy at malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai