Bubuksan sa punong himpilan ng United Nations (UN) sa New York sa Setyembre 17 ang Ika-74 na Pangkalahatang Asambleya ng UN, at idaraos sa Setyembre 24 ang pangkalahatang debatehan. Hinggil dito, ipinahayag Lunes, Setyembre 16, 2019 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na dadalo sa nasabing pangkalahatang debatehan si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina. Lalahok din si Wang sa Climate Action Summit at Sustainable Development Goals Summit ng UN, bilang espesyal na kinatawan ng pangulong Tsino, dagdag ni Hua. Samantala, isang serye ng mga bilateral at multilateral na pagtatagpo ang gaganapin sa panahon ng gagawing biyahe ni Wang sa UN.
Ani Hua, umaasa ang panig Tsino na sa pamamagitan ng nabanggit na mga aktibidad, ibayo pang mapapalakas ang pakikipagpalitan, pakikipagdiyalogo at pakikipagtulungan sa iba't ibang bansa't organisasyong pandaigdig, magkasamang mapapasulong ang pagresolba sa mga mainit na isyung panrehiyo't pandaigdig, at magagawa ang bagong ambag para sa pangangalaga sa kapayapaan ng daigdig, at pagpapasulong sa komong kaunlaran.
Salin: Vera