Idinaos ngayong araw, Biyernes, ika-2 ng Agosto 2019, sa Bangkok, Thailand ang Ika-9 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng East Asia Summit.
Sa kanyang talumpati sa pulong, sinabi ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa ilalim ng kasalukuyang masalimuot at malalim na pagbabago ng kalagayang pandaigdig, at paglala ng proteksyonismo at unilateralismo, nagiging mas malakas ang hangarin ng iba't ibang bansa sa Silangang Asya, lalung-lalo na ng mga umuunlad na bansa, para sa kapayapaan at kaunlaran.
Para isakatuparan ang pangmatagalang katiwasayan at sustenableng pag-unlad, iniharap niya ang 3 mungkahi sa mga bansa sa rehiyong ito, na kinabibilangan ng paggigiit sa multilateralismo, magkakasamang pagharap sa mga transnasyonal na hamon, at paglutas sa isyu sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian.
Salin: Liu Kai