|
||||||||
|
||
Si Jose Santiago Sta Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina
"Sa ngalan ng pamahalaan at mga mamamayang Pilipino, ipinapaabot ko ang marubdob na pagbati para sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina."
Ito ang ipinahayag, Setyembre 26, 2019 ni Jose Santiago Sta Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, sa kanyang eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino ng China Media Group (CMG).
Aniya, nitong nakalipas na 70 taon, napakarami nang nakamtang pagsulong ng Tsina, at ang okasyong ito ay isang pagkakataon upang balik-tanawin ang landas na tinunton ng Tsina upang maabot ang pag-unlad.
Dagdag ni Sta Romana, sa loob ng 70 taong nakalipas, mariing nagpunyagi ang mga pamahalaang Pilipino at Tsino upang mabigyang-satispaksyon ang mga aspirasyon at pangangailangan ng dalawang mga mamamayan.
Ibinahagi rin aniya ng dalawang panig ang mga karanasan sa bawat isa upang mapabuti ang pamumuhay ng mga Pilipino at Tsino.
Pero, anang embahador, marami ang maaaring matutunan ng Pilipinas sa mga karanasan ng Tsina sa pagpapaunlad ng ekonomiya, partikular sa pag-aahon mula sa kahirapan ng napakaraming mamamayan.
Sa diwang ito, ipinahayag ng embahador Pilipino ang naisin ng pamahalaan at mga mamamayang Pilipino sa lalo pang pagbuti ng bilateral na relasyon ng dalawang panig sa mga susunod na taon.
"Sana'y magkaroon pa ng mas maraming tagumpay at pag-unlad ang pamahalaan at mga mamamayan ng Tsina. Muli, Maligayang Bati, Tsina," ani Sta Romana.
Ulat: Rhio
Larawan: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |