Lumagda ng magksanib na komunike nitong Biyernes, Setyembre 27, sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado ng Ministrong Panlabas ng Tsina at Taneti Mamau, Pangulo at Ministrong Panlabas ng Kiribati para panumbalikin ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.
Ang seremonya ng paglagda ay ginanap sa permanenteng misyon ng Tsina sa United Nations sa New York.
Ayon sa komunike, batay sa interes at hangarin ng mga mamamayan ng dalawang bansa, nagpasiya ang Tsina't Kiribati na panumbalikin ang relasyong diplomatiko sa antas na embasadoryal nang araw ring iyon.
Anito pa, kinikilala ng Kiribati na iisa lang ang Tsina at ang pamahalaan ng Republika ng Bayan ng Tsina ay ang siyang tanging lehitimong pamahalaang kumakatawan sa buong Tsina. Ang Taiwan ay di-maihihiwalay na bahagi ng teritoryo ng Tsina. Pinutol ng Kiribati ang "relasyong diplomatiko" sa Taiwan at nangakong hindi magkakaroon ng anumang opisyal na relasyon at pakikipagpalitan sa Taiwan. Ipinahayag naman ng Tsina ang kasiyahan sa nasabing paninindigan ng Kiribati.
Salin: Jade
Pulido: Mac