Muling ipinahayag ni Paul Chan, Kalihim ng Pananalapi ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) na hindi isasagawa ng pamahalaan ng Hong Kong ang pagkontrol sa mga salaping dayuhan, at kayang kaya nitong panatilihin ang katatagang pansalapi at pinansyal ng Hong Kong.
Sa kanyang artikulong inilathala nitong Linggo, Oktubre 6, sinabi ni Chan na maaaring malayang palitan ang Hong Kong Dollar at maaari ring malayang lumabas-pumasok ang mga pondo. Ito ang natitiyak ng Saligang Batas ng Hong Kong at hindi maaapektuhan ng Regulasyon ng Pagbabawal ng Paggamit ng Maskara o Prohibition on Face Covering Regulation, sa ilalim ng Emergency Regulations Ordinance, diin ni Chan.
Dagdag pa ni Chan, sa kabila ng kaguluhan nitong ilang buwang nakalipas, ang mga sistema ng pagbabangko at pinansyal ng Hong Kong ay nananatili pa ring matatag at mainam. Aniya pa, sa kasalukuyan, umaabot sa 430 bilyong U.S. dollar ang reserba ng salaping dayuhan ng Hong Kong, samantalang lampas sa 1.14 trilyong Hong Kong dollar o mga 145 bilyong U.S. dollar ang reserbang piskal ng pamahalaan ng Hong Kong. Bukod dito, 20% ang karaniwang capital adequacy ratio ng mga bangko ng Hong Kong at 0.56% lamang ang kanilang bad loan ratio.
Salin: Jade