Nagtagpo kahapon, Sabado, ika-12 ng Oktubre 2019, sa Kathmandu, kabisera ng Nepal, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Pangulong Bidya Devi Bhandari ng Nepal. Ipinatalastas nila ang pagkakatatag ng dalawang bansa ng estratehiko at kooperatibong partnership na nakaharap sa kaunlaran at kasaganaan at may hene-henerasyong pagkakaibigan.
Sinabi ni Xi, na ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ay dapat maging pangmalayunang target ng pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Nepal. Umaasa aniya siyang itatatag ng dalawang bansa ang komprehensibong balangkas na pangkooperasyon at isasagawa ang konstruksyon ng trans-Himalayan connectivity network. Ang matatag, bukas, at masaganang Tsina ay palagiang pagkakataon para sa pag-unlad ng Nepal at buong mundo, dagdag ni Xi.
Ipinahayag naman ni Bhandari, na ang pag-unlad ng Tsina ay makakabuti sa kapayapaan, kaunlaran, at kasaganaan ng Nepal at rehiyong ito. Sinabi rin niyang ang pagkakatatag ng dalawang bansa ng estratehiko at kooperatibong partnership ay magpapatibay ng kanilang tradisyonal na pagkakaibigan, magpapasagana ng nilalaman ng bilateral na relasyon, at magpapasulong sa pagpasok ng relasyon ng Nepal at Tsina sa bagong panahon.
Salin: Liu Kai