Ipinahayag ngayong araw, Martes, ika-22 ng Oktubre 2019, sa Beijing, ni Huang Libin, Tagapagsalita ng Ministri ng Industriya at Teknolohiya ng Impormasyon ng Tsina, na sa nakalipas na tatlong kuwarter ng taong ito, lumaki ng 5.6% ang industrial value added ng bansa kumpara sa gayon ding panahon ng nagdaang taon. Ito ay angkop sa nakatakdang target, dagdag niya.
Sinabi ni Huang, na sa buong sektor industriyal, mas mabuti ang kalagayan ng mga pribadong bahay-kalakal na industriyal at mga katamtamang-laki at maliit na bahay-kalakal na industriyal. Aniya, magkahiwalay na 8% at 7.1% ang paglaki ng value added ng dalawang uri ng mga bahay-kalakal na ito.
Sinabi rin ni Huang, na sa kasalukuyan, nagiging mahina ang lakas tagapagpasulong ng kabuhayang pandaigdig, at ang industriya ng paggawa ng Tsina naman ay nasa mahirap na yugto ng transpormasyon at pag-a-upgrade. Sa harap ng dumaraming mga panganib at hamon, gumagawa ng malaking pagsisikap ang iba't ibang panig ng Tsina, para panatilihin ang matatag na takbo ng industriya, ani Huang.
Salin: Liu Kai