Ipinatalastas kahapon, Biyernes, ika-6 ng Setyembre 2019, ng People's Bank of China (PBoC), bangko sentral ng bansa, na mula ika-16 ng buwang ito, pabababain nang 0.5% ang reserve requirement ratio ng mga institusyong pinansyal sa buong bansa. Samantala, sa ika-15 ng darating na Oktubre at ika-15 ng darating na Nobyembre, pabababain nang 0.5% sa bawat buwan ang reserve requirement ratio ng mga city commercial bank na nagpapatakbo lamang ng negosyo sa mga lugar sa ilalim ng administrasyong panlalawigan, dagdag ng bangkong ito.
Ayon sa PBoC, sa pamamagitan ng dalawang hakbanging ito, ilalabas sa pamilihan ang 900 bilyong yuan RMB na long-term liquidity, na pupunta, pangunahin na, sa real economy, lalung-lalo na mga maliit at pribadong bahay-kalakal, at pabababain ang gugol ng mga bahay-kalakal para mangutang sa bangko.
Sinabi rin ng bangkong ito, na ang naturang mga hakbangin ay hindi nangangahulugan ng malakas na patakarang pampasigla, at patuloy na isasagawa ng Tsina ang matatag na patakarang pansalapi.
Salin: Liu Kai