Nakipagtagpo nitong Martes, Oktubre 29, 2019 sa Beijing si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa mga diplomata ng 10 kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Tsina.
Saad ni Wang, dapat magkasamang harapin ng Tsina at mga bansang ASEAN ang iba't ibang panganib at hamon; dapat magkakapit-bisig na igiit ang multilateralismo; at dapat ding palakasin ang koordinasyon para mapangalagaan ang kapayapaan ng rehiyon.
Nagpahayag naman ang mga diplomata ng kahandaang mahigpit na makipagkoordina at makipagtulungan sa panig Tsino, para maigarantiya ang pagtatagumpay ng gaganaping serye ng mga pulong ng mga lider ng kooperasyon ng Silangang Asya.
Maliban dito, sinang-ayunan din ng kapuwa panig na palakasin ang sinerhiya ng Belt and Road Initiative at pangkalahatang plano ng konektibidad ng ASEAN, talakayin ang hinggil sa pagtatatag ng Blue Economy partnership, at palakasin ang kooperasyon sa mga aspektong gaya ng digital economy. Sang-ayon din silang ibayo pang palalimin ang people-to-people exchanges, masipag na bigyang-wakas ang talastasan sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) sa loob ng kasalukuyang taon, at magkasamang pangalagaan ang multilateralismo at malayang kalakalan.
Salin: Vera