Dumalo kahapon, Linggo, ika-3 ng Nobyembre 2019, sa Bangkok, Thailand, si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Ika-22 Summit ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sinabi ni Li, na sa harap ng negatibong presyur sa kabuhayang pandaigdig, dapat pangalagaan ng Tsina at mga bansang ASEAN ang multilateralismo at malayang kalakalan, para magkakasamang labanan ang mga panganib at isakatuparan ang komong pag-unlad. Dagdag niya, dapat patuloy na magsikap ang iba't ibang bansa, para matapos sa lalong madaling panahon ang talastasan sa Regional Comprehensive Economic Partnership, at buong husay na ipatupad ang protokol hinggil sa pag-a-upgrade ng Malayang Sonang Pangkalakalan ng Tsina at ASEAN.
Ani Li, sinimulan na ng Tsina at mga bansang ASEAN ang ikalawang round ng pagsusuri sa mga teksto ng Code of Conduct (COC) in the South China Sea. Umaasa aniya siyang tutupdin ng iba't ibang panig ang mga prinsipyo ng Declaration of Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at magkakasama silang magsisikap para pasulungin ang pagsasanggunian hinggil sa COC ayon sa nakatakdang iskedyul.
Binigyang-diin ni Li, na ibayo pang pasusulungin ng Tsina ang koordinasyon ng Belt and Road Initiative at mga estratehiyang pangkaunlaran ng ASEAN at iba't ibang bansang ASEAN. Umaasa rin aniya siyang patuloy na palalakasin ng iba't ibang bansa ang pagpapalitan at pagkakaibigan ng kani-kanilang mga mamamayan.
Positibo naman ang mga lider ng mga bansang ASEAN sa mga natamong bunga ng kooperasyong Sino-ASEAN nitong isang taong nakalipas. Ipinahayag nila ang kahandaang aktibong lumahok sa pandaigdig na kooperasyon ng Belt and Road, at magsuporta sa multilateralismo at malayang kalakalan. Kinumpirma rin nila ang patuloy na pagsisikap para sa pagpapasulong ng talastasan sa Code of Conduct in the South China Sea.
Salin: Liu Kai