|
||||||||
|
||
Nobyembre 4, 2019--Tala ng Pagkober sa Ika-2 China International Import Expo (CIIE)
Pamagat: Hudyat ng Pagsisimula
Sa istasyon ng tren
"Dumating na tayo sa istasyon ng Hongqiao sa lunsod Shanghai," ito ang anunsiyo mula sa high-speed tren na aking sinasakyan, at dahil dito, dagliang tumayo ang mga pasahero, kabilang na ang mga mula sa ibat-ibang departamento ng China Media Group (CMG) upang bumaba ng tren at lumabas ng nasabing istasyon.
Sa aking paghakbang pababa ng modernong high-speed tren, tumambad sa aking paningin ang isang napakalawak at makabagong istasyon ng Hongqiao; na may napakaraming tindahan at dekorasyong sumisimbolo sa kulturang Tsino.
Kasama ang mga mamamahayag mula sa CMG, tumungo kami sa aming otel, at matapos ang medyo matagal na proseso ng pag-check-in, saglit akong namahinga at naghanda para sa pagbubukas ng Ika-2 CIIE kinabukasan (Nobyembre 5, 2019).
Kinagabihan, sinamahan ako nina Li Feng (Serbisyo Filipino) at isa pang kasamahan mula sa Serbisyo Indones na maghapunan.
Lokal na restawran ng Shanghai
Sa aming paglalakad patungo sa restawran, kitang-kitang mas masikip ang mga kalsada rito kumpara sa Beijing, makikita rin ang kakaibang porma ng mga bahay at panirahan ng mga taga-Shanghai kumapara sa mga taga-Beijing, at siyempre, kitang-kita ang impluwensiyang kanluranin ng lunsod.
Tunay ngang ang Shanghai ay isang interanasyunal na lunsod na may karakteristiko ng silangan at kanluran.
Lokal na nudels ng Shanghai
Nang aming marating ang lokal na restawran, pinagsaluhan namin ang mga lokal na pagkaing kinabibilangan ng ibat-ibang nudels.
Ang nudels ng Shanghai ay may malumanay na lasa: ito rin ay manamis-namis at maalat-alat, na talaga namang nagustuhan ko dahil, ito'y malapit sa lasang Pilipino.
Lunsod Shanghai
Ang aking pagdating sa lunsod Shanghai ay isang hudyat; hudyat ng pagsisimula ng aking trabaho bilang mamamahayag upang ibalita sa lahat ng mga Pilipino at Tsino sa buong mundo ang mga pangyayari kaugnay ng Ika-2 CIIE.
Reporter: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |