|
||||||||
|
||
Shanghai - Alinsunod sa layunin ng pagbubukas at pagsusulong ng globalisasyon ng kabuhayang pandaigdig, binuksan ng Tsina, Nobyembre 5, 2019 ang Ika-2 China International Import Expo (CIIE). Kasabay nito, idinaos din ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC) – Shanghai ang Ika-2 Trabaho Negosyo Kabuhayan (TNK).
Sa panayam sa Serbisyo Filipino ng China Media Group, sinabi ni Ramon M. Lopez, Kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang Tsina ay isa sa mga pinakamabilis umunlad na malaking ekonomiya sa daigdig, at bansang nangunguna pagdating sa usapin ng globalisasyong pang-ekonomiya.
Kalihim Ramon M. Lopez ng DTI habang nagtatalumpati
Kalihim Ramon M. Lopez
Ang bansa aniya ay may positibong atityud at tumatahak sa landas ng pagbubukas sa buong mundo.
Ani Lopez, ang Tsina ay may malaking trade surplus sa entablado ng padaigdigang kalakalan, kaya naman nais nitong papasukin ang ibat-ibang produkto mula sa ibat-ibang bansa ng daigdig.
Ito rin aniya ang dahilan ng pagdaraos ng CIIE.
"Ito na ang ikalawa, at nagsimula ito noong nakaraang taon. Ang intensyon ay umakit ng mas maraming pagluluwas mula sa ibang bansa upang mabalanse ang trade," dagdag ng kalihim.
Tungkol naman sa TNK, sinabi Lopez na nais ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino, sa pamamagitan ng paggawa ng mas maraming oportunidad ng trabaho, negosyo at kabuhayan.
Dagdag pa niya, isa pang pinagpupunyagian ng kanyang kagawaran ay ang pagpapalakas ng proteksyon sa mga mamimili.
Sa pamamagitan ng mga nito, mas bubuti ang buhay ng mga Pilipino, aniya.
Mga Pilipinong dumalo
Mga dumalo habang nakatingin at nakikinig sa mga pagtuturo
Ang TNK ay isang taunang inisyatiba ng DTI at isang kasangkapan upang isulong ang kaisipan ng pagnenegosyo sa mga Pilipino.
Sa pamamagitan ng TNK, itinuturo sa mga Pilipinong kung paano magtayo ng mga micro, small and medium enterprises (MSME), na magbibigay ng alternatibong pagkakakitaan at magpapaganda ng kanilang pamumuhay, at susuporta sa pagkakaroon ng trabaho ng mga Pilipino.
Ibat-ibang eksperto mula sa ibat-ibang sektor ng negosyo ng Pilipinas ang inimbitahan ng PTIC-Shanghai upang magsalita, magbigay ng payo at magturo ng tamang direksyon sa pagnenegosyo sa mga dumalo.
Humigit-kumulang sa 210 katao, mula sa ibat-ibang samahan at kompanyang Pilipino sa Shanghai ang dumalo sa Ika-2 TNK.
Ayon sa kanila, malaking tulong ang TNK sa pagbibigay ng kamalayang pang-negosyo na magpapabuti ng kanilang pamumuhay sa Tsina at sa sandaling bumalik sila sa Pilipinas.
Trabaho Negosyo Kabuhayan
/end/rhio/lito//
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |