Idinaos nitong Huwebes, Nobyembre 14, sa Brasilia, Brazil ang Ika-11 BRICS Summit na may temang "BRICS: Paglaking Pangkabuhayan para sa Inobatibong Kinabukasan."
Nangulo sa summit si Pangulong Jair Bolsonaro ng Brazil. Sa ngalan ng Tsina, bumigkas si Pangulong Xi Jinping ng talumpating pinamatagang "Pagkakaisa para sa Bagong Kabanata ng Kooperasyon ng BRICS." Lumahok din sa BRICS Summit, sina Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, Punong Ministro Narendra Modi ng India, at Pangulong Cyril Ramaphosa ng South Africa.
Sa kanyang talumpati, nanawagan si Xi sa mga kasaping bansa ng BRICS na maging aktibong tagapagsulong ng multilateralismo para lumikha ng mapayapa at matatag na kapaligirang panseguridad. Iminungkahi rin niyang magkakaisa ang mga miyembro ng BRICS para sa bukas at inobatibong pag-unlad sa hinaharap. Para rito, inulit ni Xi ang mga pangako ng Tsina hinggil sa ibayo pang pagbubukas sa labas, pagdaragdag ng pag-aangkat ng mga paninda at serbisyo, pagpapaginhawa ng pamumuhunang dayuhan, pangangalaga sa karapatan sa pagmamay-ari ng likhang-isip (IPR), at pagpapasulong ng de-kalidad at berdeng Belt and Road Initiative (BRI) alinsunod sa prinsipiyong magkakasamang pagsasanggunian, magkakasamang pagtatatag at magkakasamang pagbabahagi. Pinahahalagahan din ni Xi ang pagpapalitang pangkultura at pagtuto ng isa't isa. Kaugnay nito, hiniling niyang gawin ang kooperasyon ng BRICS Plus bilang plataporma para mapalakas ang diyalogo sa pagitan ng iba't ibang sibilisasyon at bansa.
Salin: Jade
Pulido: Mac