Ipinahayag nitong Huwebes, Nobyembre 14, 2019 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na di-konstruktibo ang walang alinlangang pagpapataw o pagbabalang gagamit ng sangsyon, at hindi rin nito malulutas ang isyung nuklear ng Iran. Aniya, ang diyalogo at talastasan ay tunay na lunas sa isyung ito.
Inilabas kamakailan ng International Atomic Energy Agency (IAEA) ang pinakahuling quarterly report hinggil sa pagsusuperbisa at pagsusuring nuklear sa Iran. Sa magkakasanib na pahayag na inilabas ng mga ministrong panlabas ng Britanya, Pransya at Alemanya, at High Representative for Foreign Affairs and Security Policy ng Unyong Europeo (EU) sa araw na ito, nagpahayag sila ng pagkabahala sa kapasiyahan ng Iran hinggil sa muling pagsisimula ng uranium enrichment ng pasilidad na nuklear ng Fordo. Anila, isasaalang-alang ang lahat ng mga mekanismo ng komprehensibong kasunduan na kinabibilangan ng mekanismo ng pagresolba sa mga alitan, para malutas ang isyu ng pagpapatupad ng Iran ng obligasyon ng Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA).
Kaugnay nito, nanawagan si Geng sa iba't ibang may kinalamang panig na magtimpi para mapasulong ang komprehensibong solusyong pulitikal sa isyung nuklear ng Iran.
Salin: Vera