Binatikos kahapon, Lunes, ika-18 ng Nobyembre 2019, ng tagapagsalita ng pamahalaan ng Rehiyong Awtonomo ng Uygur ng Xinjiang ng Tsina, ang paninirang-puri ng New York Times sa gawain laban sa terorismo at ekstrimismo ng rehiyong awtonomong ito, sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang di-umano'y "internal document."
Ipinahayag ng nabanggit na tagapagsalita, na ang Xinjiang ay pangunahing lugar para labanan ang terorismo at ekstrimismo. Aniya, mula noong 1990 hanggang 2016, naganap sa Xinjiang ang ilang libong marahas at teroristikong insidente, na nagdulot ng malaking kasuwalti at kapinsalaan ng ari-arian. Sinabi ng tagapagsalita, na sa harap ng kalagayang ito, habang nilalabanan ang mga marahas at teroristikong krimen, isinasagawa rin ng Xinjiang ang mga hakbangin para lutasin ang isyung ito mula sa ugat. Ito aniya ay hindi lamang angkop sa mga batas ng Tsina at ideyang itinataguyod ng daigdig, kundi sinusuportahan din ng mga lokal na residente. Dahil sa naturang pagsisikap, hindi na nagaganap ang anumang marahas at teroristikong insidente sa Xinjiang nitong halos 3 taong nakalipas, dagdag ng tagapagsalita.
Tinukoy rin ng tagapagsalita, na laging ipinapaalam ng pamahalaang Tsino sa komunidad ng daigdig ang mga hakbangin at natamong bunga sa paglaban sa terorismo at ekstrimismo sa Xinjiang. Aniya, mula noong katapusan ng taong 2018, mahigit 1 libong personahe mula sa iba't ibang bansa at organisasyong pandaigdig ang inanyayahang bumisita sa Xinjiang, para malaman ang kalagayan sa lokalidad.
Salin: Liu Kai