Ayon sa ulat kahapon, Lunes, ika-2 ng Disyembre 2019, ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR), tinatayang umabot sa 30.1 bilyong Hong Kong dollars ang halaga ng tingian sa rehiyong ito noong nagdaang Oktubre. Ito ay mas mababa nang 24.3% kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon, at ito ang pinakamalaking pagbaba ng halaga ng tingiang naitala sa Hong Kong.
Ayon sa tagapagsalita ng pamahalaan ng HKSAR, ang lumalalang karahasan ay sanhi ng naturang pagbaba. Ito aniya ay grabeng nakakaapekto sa hangarin sa konsumo, at sumasagabal din sa turismo at ibang mga aktibidad na may kinalaman sa konsumo. Ipinahayag din ng tagapagsalita, na ang pagbibigay-wakas sa karahasan at pagpapanumbalik ng kaayusan ay mahalaga upang lumikha ng kondisyon para sa pagbangon ng tingian sa Hong Kong.
Salin: Liu Kai