Sa news briefing na idinaos ngayong araw, Lunes, ika-9 ng Disyembre 2019, sa Beijing, sinabi ni Shohrat Zakir, Puno ng Pamahalaan ng Rehiyong Awtonomo ng Uygur ng Xinjiang ng Tsina, na nitong ilang taong nakalipas, matatag ang lipunan ng Xinjiang, maunlad ang kabuhayan, magkakaisa ang mga grupong etniko, maharmonya ang iba't ibang relihiyon, at mabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan. Aniya, hindi madali ang pagsasakatuparan ng kalagayang ito, at ito ay salamat, pangunahin na, sa mga hakbangin ng bansa bilang pagsuporta sa pagpapaunlad ng lipunan at kabuhayan ng Xinjiang.
Dagdag niya, mahalaga rin para sa katatagan at katiwasayan sa Xinjiang ang mga hakbangin ng pagpigil sa terorismo at ekstrimismo.
Kaugnay ng pagpapatibay kamakailan ng Mababang Kapulungan ng Amerika sa umano'y "Uyghur Human Rights Policy Act of 2019," sinabi ni Zakir, na ito ay malubhang lumalabag sa pandaigdigang batas at pundamental na norma ng relasyong pandaigdig. Ito aniya ay walang galang na panghihimasok sa suliraning panloob ng Tsina.
Ipinahayag din niyang, dapat itakwil ng ilang politikong Amerikano ang di-makatarungang pagkiling sa ideolohiya, at hindi sila dapat magdouble-standard sa isyu ng paglaban sa terorismo at de-radikalisasyon. Hindi mahahadlangan ng anumang puwersa ang prosesong pangkaunlaran at pangkasaganaan, at ang pagkakaisa at pagsulong ng mga mamamayan ng iba't-ibang nasyonalidad ng Xinjiang, dagdag niya.
Salin: Liu Kai