Ipininid kahapon, Sabado, ika-21 ng Disyembre 2019, sa Beijing, ang 2-araw na Sentral na Pulong sa Gawaing Pang-agrikultura ng Tsina.
Tinalakay sa pulong ang kasalukuyang kalagayan at mga tungkulin ng mga gawaing may kinalaman sa agrikultura, kanayunan, at mga magsasaka. Itinakda rin ang plano ng gawaing ito sa taong 2020.
Bukod dito, pinag-aralan din sa pulong ang pinakahuling talumpati ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina tungkol sa gawaing may kinalaman sa agrikultura, kanayunan, at mga magsasaka.
Sa talumpati, binigyang-diin ni Xi ang kahalagahan ng nabanggit na gawain sa taong 2020. Ito aniya ay pundasyon ng pagtatatag ng Tsina ng may kaginhawahang lipunan sa mas mataas na antas at pagpawi sa kahirapan.
Dagdag ni Xi, dapat ibuhos ang mga yaman, at isagawa ang mga mabisang hakbangin, para itaguyod ang kaunlaran ng agrikultura, kanayunan, at mga magsasaka. Hiniling din niya sa mga may kinalamang departamento at pamahalaang lokal, na panatilihin ang kasiglahan ng mga magsasaka sa pagpoprodyus ng mga butil, at pagpapabuti ng paglilingkod sa mga mamamayan sa kanayunan.
Salin: Liu Kai