Inilabas kahapon, Sabado, ika-11 ng Enero 2020, ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran, ang pahayag na umaako sa responsibilidad ng pagpapabagsak sa eroplanong pampasahero ng Ukraine, na naganap noong Enero 8.
Sa pahayag, sinabi ni Amir Ali Hajizadeh, Komander ng Aerospace Force ng IRGC, na pagkaraang ipatalastas ng panig Amerikano na sasalakayin ang 52 target sa Iran, inilagay sa mataas na alerto ang IRGC. Aniya, noong panahong iyon, napagkamalan ng operator ng missile launch site, na ang naturang eroplanong pampasahero ay cruise missile ng Amerika. At dahil sa problema sa komunikasyon, ginawa niya ang maling desisyon, pinaputok ang misayl at bumagsak ang eroplano, dagdag pa ng nasabing komander.
Salin: Liu Kai